Tagalog News: 100,000 bata sa Occ Min, target mabakunahan laban sa tigdas, polio

Ang malawakang pagbabakuna ay sa ilalim ng nationwide Supplementary Immunization Activity (SIA) kung saan ang mga batang siyam na buwan hanggang wala pang limang taon ay binabakunahan kontra measles o tigdas at rubella o tigdas-hangin, habang ang lahat ng batang wala pang limang taong gulang ay pinapatakan ng oral polio vaccine, sa pangangsiwa ng PHO. (VND/PIA Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Nob 21 (PIA) -- Higit 100,000 Measles-Rubella-Oral Polio Vaccines (MR-OPV) ang nakalaang ibigay sa mga bata sa lalawigan na may edad 0 – 59 buwang gulang sa malawakang pagbabakuna simula noong Oktubre 26 hanggang Nobyembre 25, 2020, ayon sa Provincial Health Office (PHO).

Sinabi ni Lailani Shiela Abeleda, Health Education and Promotion Officer ng PHO, ang malawakang pagbabakuna ay sa ilalim ng nationwide Supplementary Immunization Activity (SIA) kung saan ang mga batang siyam na buwan hanggang wala pang limang taon ay binabakunahan kontra measles o tigdas at rubella o tigdas-hangin, habang ang lahat ng batang wala pang limang taong gulang ay pinapatakan ng oral polio vaccine. 

Sa gitna ng pandemya, tumataas ang posibilidad ng outbreak o maramihang kaso ng mga nabanggit na sakit kaya mahalagang mabakunahan ang bata anuman ang vaccination status (may dati mang bakuna o wala). 

Ayon kay Abeleda, nagdudulot ng malulubhang kumplikasyon ang tigdas, gaya ng encephalitis, pneumonia, at pagkabulag habang pagkalumpo naman ang maaring kahinatnan ng isang tinamaan ng polio. Kapwa din aniya nakamamatay ang tigdas at polio

“Nakakaawa ang batang magkakaroon ng alinman sa mga sakit na ito kaya higit na pinaigting ng PHO, katuwang ang munisipyo at barangay, ang pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa kahalagahan ng pagpapabakuna,” ayon pa kay Abeleda.   

Ang SIA ay isinasagawa, hindi lang para sa proteksyon ng bawat isang bata, kundi upang makaiwas sa peligro na maulit ang measles outbreak sa bansa noong 2019,” dagdag naman ni Ken Agoncillo, Expanded Program Immunization (EPI) Coordinator. Aniya, mabilis na makahawa ang tigdas at dahil maraming magulang ang hindi tumangkilik noon sa mga taunang immunization program, kumalat ang tigdas hindi lang sa Metro Manila kundi sa iba pang mga lalawigan kasama ang Occidental Mindoro.

Dahil iniuugnay ang 2019 measles outbreak sa pangambang idinulot ng kontrobersyal na dengue immunization noong 2017, sinabi ni Abeleda na sa information campaign nila sa bawat barangay, ipinaliliwanag nila na ligtas ang MR-OPV.

“Ito naman ay matagal na nating ibinibigay sa mga bata kaya di dapat mabahala ang ating mga magulang,” ani Abeleda. Kung magkaroon mang lagnat at pananakit ng tinurukang bahagi, ito ay normal na reaksyon lamang ng katawan na nagsisimula nang gumawa ng antibodies, dagdag pa ni Abeleda. “Kahit may paunang bakuna na, dapat pa ring sumailalim ang mga ito sa SIA upang mas lalong mabawasan ang tsansang magkasakit,” ayon pa dito.   

Ipinaliwanag naman ni Agoncillo na tinitiyak nilang nasusunod ang lahat ng health at safety protocols sa pagbabakuna. Aniya bukod sa mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at pag-observe sa physical distancing, naglagay din sila ng mga vaccination station sa iba’t ibang pamayanan upang hindi na dumayo ng ibang lugar ang mga nasa barangay at maiwasan na din ang pagdami ng tao sa iisang lugar. “Hindi rin kailangang mangamba ng mga magulang sa pagpapatak ng Polio vaccine sa kanilang mga anak dahil sumailalim sa pagsasanay ang mga magbibigay nito,” saad pa ni Agoncillo.

Samantala, wala pang malinaw na direktiba ang Department of Health kung palalawigin ang itinakdang petsa ng SIA, matapos mabalam ito sanhi ng mga nagdaang bagyo. Magkagayunman, tiniyak ni Agoncillo na sisikapin ng lalawigan na maabot ang bilang ng mga dapat bakunahan at maibalik ang tiwala ng mga magulang sa programa sa pagbabakuna upang mabigyan ng proteksyon ang kanilang mga anak laban sa mga mapanganib na sakit sa probinsya. (VND/PIA MIMAROPA)

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments