Pondo sa recovery, rehabilitation ng mga typhoon-hit areas, dapat isama sa 2021 national budget 

LUNGSOD CALOOCAN, Nov. 15 (PIA) -- Dapat umanong isama sa proposed 2021 national budget ang paglalaan ng pondo para sa recovery at rehabilitation plan ng mga lugar na sinalanta ng Bagyong Rolly, ayon sa isang kongresista.

Pinasasama ni Quezon City Rep. Alfred Vargas sa Kongreso ang paglalaan ng naturang pondo kasabay ng pagdidiin na mahalagang mabigyan ng budget ang muling pagbangon at pagsasaayos ng mga probinsyang lubhang tinamaan ng kalamidad partikular sa Batangas, Quezon at Bicol Regions.

Ani Vargas, dapat din magkaroon ng long-term strategies sa pagtugon hindi lamang sa mga pangangailangan ng mga typhoon-affected areas kundi pati na rin sa epekto ng climate change.

Bunsod nito mulnig nanawagan ang kinatawan sa senado na ipasa na rin ang counterpart measure nila para sa pagbuo ng Department of Disaster Resilience (DDR).

Magugunitang aabot sa tinatayang P11-bilyon na pinsala sa imprastraktura at P2.9 Billion na pagkasira naman sa agrikultura ang pinsalang dulot ng paghagupit ni "Rolly" sa bansa. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments