Mga residenteng binaha, nagpapasalamat sa mga tulong na natatanggap

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Nobyembre 18 (PIA) - - Bagamat may mga lugar na lubog pa rin sa tubig baha ay tuluy-tuloy sa paglilinis ang mga residenteng lubhang sinalanta.

Kasabay nito, bumabaha rin ng mga donasyon ang lalawigan partikular na ang mga pagkain at tubig mula sa iba’t-ibang mga ahensiya ng gobyerno, mga pribadong organizasyon at may mga magkakaibigan at magkakapamilya na nagpaabot din ng tulong.

Si Aling Narisa Canuilan, isa sa mga sinalanta ng baha sa Barangay Linao, hanggang ngayon naglilinis pa rin sa iniwang pinasala ng baha.

Aniya, umakyat sila sa ginagawa palang na ikalawang palapag ng kanilang bahay noong kasagsagan ng baha pero paghupa ng tubig baha, tumambad sa kanila ang mga basa at sira sirang mga kagamitan at ang iba tinangay ng agos.

Nagpapasalamat din ito sa mga nagbibigay ng mga tulong sa kanilang ngayon lalo na ang pagkain at tubig.

"Marami na rin po ang nagbibigay pero pinansiyal po ang talagang kailangan namin kasi yung mga gamit ay wala na, yung iba sir ay tinangay na ng agos,” ani Narisa.

Ang Barangay ng Linao ang nagtrending sa social media noong kasagsagan ng pagbaha dahil sa video ng umano’y sumisigaw ng mga tulong para magparescue at may mga bangkay umanong nagsilutangan.

Gayonman, ayon kay Joseph Cambri, isang residente sa lugar, may mga narinig umano siyang mga nagpapa-rescue pero hindi umano totoong may mga nagsilutangang mga bangkay.

Ang mga eskwelahan na nalubog din sa bahay ay nag-iwan ng makapal na putik sa mga sahig ng silid-aralan kaya naman tumulong na ang mga uniformed personnel para maglinis sa mga ito.

Gabundok din ang mga basura iniwan ng baha, kaya hindi pa rin tumitigil ang Pamahalaang Lungsod ng Tuguegarao sa paghakot at paglilinis sa mga lansangan.

Nanawagan naman ang Office of the Civil Defense sa mga nagsasagwa ng relief operation na panatihilin ang social distancing at minimum health standards tulad ng pagsusuot ng facemask at face shields dahil tila nakakalimutan na ng mag residente na umiiral parin ang COVID-19 pandemic. (MDCT/OTB/PIA 2-Cagayan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments