Medical allowance ng mga guro sa 2021 budget, hindi dapat tanggalin--Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 6 (PIA) -- Tahasang sinabi ni Senator Win Gatchalian na hindi dapat tanggalin ang pondo para sa medical benefits ng mga guro sa national budget ng bansa sa susunod na taon.

Nakatakdang talakayin ng Senado ang panukalang budget na P4.506 trilyon para sa 2021 sa muling pagbubukas ng sesyon ngayong buwan. At bagamat taon-taon ay naglalaan ng pondo para sa medical allowance ng mga guro, isiniwalat ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na hindi na ito pinondohan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa susunod na taon. Ngayong taon, may apat na raang (400) milyong pisong pondong nakalaan para sa kanilang taunang check-up o limang daang (500) piso kada guro. 

Ayon sa Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mahalagang mapanatili ang pondong ito sa pagtataguyod ng kaligtasan at kapakanan ng mga guro, lalo na’t patuloy ang banta ng COVID-19 sa kanilang kalusugan at kaligtasan.

Mahigit anim na raang (605.74) bilyong pisong pondo ang nakalaan para sa Department of Education (DepEd) para sa 2021, mas mataas nang halos sampung (9.54) porsyento kung ihahambing sa mahigit limang daang (552.9) bilyong pisong pondo ng kagawaran ngayong taon.

“Sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19 sa ating bansa, kailangang tuloy-tuloy ang suporta na ibinibigay natin para patuloy na maitaguyod ang kapakanan ng ating mga guro. Isa sa mga mahahalagang benepisyong dapat patuloy nating maibigay ay ang tulong medikal para sa mga guro, lalo na’t nasa gitna tayo ng isang matinding krisis pangkalusugan,” ani Gatchalian.

“Bilang mga frontliners sa pagpapatuloy ng edukasyon, isinasakripisyo ng mga guro ang kanilang kaligtasan at kalusugan, kaya hindi natin dapat ipagkait ang ano mang uri ng suportang maaari nating ibigay sa kanila,” dagdag ng senador.

Binigyang-diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapatupad sa Magna Carta for Public School Teachers o Republic Act No. 4670 na layong i-angat ang antas ng pamumuhay at kapakanan ng mga guro. Ayon sa mambabatas, wala pang kalahati o apatnapung (40) porsyento lamang sa mga probisyon ng naturang batas ang ganap na naipatutupad.

Kabilang sa mga probisyon ng Magna Carta ang libreng check-up para sa mga guro bago sila magsimulang magturo. Sa ilalim din ng naturang batas, sagot dapat ng pamahalaan ang taunang pagpapagamot sa mga gurong nangangailangan ng lunas para sa kanilang sakit.

Mandato rin ng Magna Carta na italagang hindi dapat lumagpas sa anim na oras ang pagtuturo ng mga guro. Kung sakaling kailanganin nilang magsagawa ng mga tungkulin na labas sa kanilang normal na gawain sa pagtuturo, dapat silang bigyan ng karagdagang bayad. Itinalaga rin ng batas ang pagbibigay ng special hardship allowances sakaling may maranasan silang hirap kaugnay sa kanilang trabaho, halimbawa na lang ang hirap ng pagko-commute sa malayong lugar na kanilang pinagtuturuan.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution No. 522 upang lubos na marepaso ng Senado ang pagpapatupad ng Magna Carta. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments