Klase sa Marikina, suspendido hanggang Disyembre 16 dahil sa pinsalang dulot ng 'Ulysses' 

Epekto ng bagyong Ullysses sa Lungsod Marikina. (Photo courtesy of Marikina PIO FB)

LUNGSOD QUEZON, Nob. 17 (PIA) – Suspendido muna ang mga klase sa Lungsod ng Marikina simula nitong Lunes, Nobyembre 16 hanggang sa Disyembre 16, 2020.  

Sa Facebook page ng Marikino Public Information Office (PIO), inanunsyo ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang suspensyon ng mga klase hanggang sa susunod na buwan dulot ng matinding epekto nang nagdaang bagyong ‘Ulysses’ sa lungsod.

Dahil sa laki ng pinsala na dulot ng bagyong Ulysses, maraming lugar pa ang may makapal na putik, walang kuryente at tubig, unstable ang internet connectivity at ang mga modules at gadgets na ginagamit sa pag-aaral ay nabasa at nasira dahil sa baha. Kaya minabuti na isuspendi ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod ng Marikina buhat Nobyembre 16 hanggang Disyembre 16,” ayon kay Mayor Marcy.

Dagdag pa ng alkalde na ang suspensyon ng klase ay upang mabigyan rin ng pagkakataon na maiayos ng bawat pamilya ang kanilang mga kabahayan sa pag aaral ng mga bata.

Matatandaan nitong nakaraang linggo ang paghagupit ng bagyong ‘Ulysses’ kung saan ang lungsod ng Marikina ang isa sa pinaka-apektadong lugar sa Metro Manila bunsod ng malakas na pag-ulan na nagdulot ng matinding pagbaha. (Marikina PIO/PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments