General registration, oryentasyon para sa service contracting prog. ng LTFRB, gagawin sa Nob. 25-29

LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 24 (PIA) – Ilulunsad sa Miyerkules, Nobyembre 25, 2020 ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang General Registration at Orientation Activity para sa mga kwalipikadong drayber na nais makilahok sa Service Contracting program ng ahensiya.

Tatagal ito ng limang (5) araw at magtatapos sa Linggo, Nobyembre 29, 2020 at gaganapin sa Quezon City Memorial Circle Basketball Covered Court simula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.

Inilunsad ng LTFRB, ahensiyang nasa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) ang programa dahil kabilang ang mga drayber ng pampublikong sasakyan sa mga sektor na pinakamalubhang naapektuhan ng pandemya.

Ayon sa LTFRB, ang Service Contracting Program ay naglalayong  matulungan ang mga drayber na magkaroon ng siguradong kita sa kani-kanilang biyahe.

Paalala ng ahensiya sa mga nais dumalo sa nasabing aktibidad, kailangang dalhin ang mga sumusunod:

- Original at Photocopy ng iyong Professional Driver’s License;

- Certification na pirmado ng inyong Operator na nagpapatunay na kayo ay awtorisadong drayber ng idineklarang unit;

- Dalawang (2) kopya ng photocopy ng valid ID ng inyong Operator (likod at harap) na may tatlong pirma ng inyong operator; at

- Photocopy ng OR/CR ng minamanehong Jeep.

Pinapaalala din na kailangang magdala ng sariling ballpen at magsuot ng face mask at face shield ang mga lalahok sa pagtitipon.

Inaanyayahan naman ng LTFRB na kung maaari, mag pre-register na sa mga sumusunod na pamamaraan:

1. Magrehistro gamit ang Google Form. I-click ang link na ito: https://ift.tt/3lUMdcP;

2. Magrehistro sa Door D, Ground Floor, LTFRB Central Office, East Avenue, Quezon City. Maaring mag walk-in mula 9AM hanggang 4PM, Lunes-Biyernes; o

3. Tumawag sa aming Hotline: 1342 at ibigay ang impormasyon na hinihingi ng aming personnel.

Ugaliing bisitahin ang LTFRB Official Facebook page para sa mga karagdagang impormasyon patungkol sa Service Contracting Program sa mga susunod na araw.

Para naman sa mga karagdagang katanungan, maaring tumawag sa LTFRB Program Implementing Unit Office - (02) 8529 - 7111 loc 845. (LTFRB/PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments