Gamit pang-agrikultura, hatid ng DA sa  Pangasinan at Dagupan

LUNGSOD NG DAGUPAN, Nob. 18 (PIA) - Patuloy ang pamahalaan, sa pamamagitan ng Department of Agricuture (DA), sa pamamahagi ng mga gamit pang-agrikultura para matulungan ang mga magsasaka sa bansa.

Sa Pangasinan, pinangunahan ni DA Secretary William Dar at ni Gobernador Amado  Espino III kasama ang mga kinatawan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHILMECH), ang pamamahagi ng 64 na units ng tractor para sa mga magsasaka mula sa una hanggang ika-apat na distrito ng lalawigan.

Nakatakda ring makatanggap ang mga magsasaka mula sa ika-lima at ika-anim na distrito sa mga susunod na araw.

“Kami po sa Kagawaran ng Pagsasaka ay sumasaludo sa kagitingan ng mga magsasaka at mangingisda dahil kahit may pandemya ay nandiyan pa rin kayo nagsasaka, nangingisda, nagnenegosyo. Ang tawag sa inyo ay ‘Bayani Kita.’ Kayo po ay aming bayani,” saad ni Secretary Dar.

Sa lungsod naman ng Dagupan, namahagi rin ang DA at lokal na pamahalaan ng 90 na bag ng inbred seeds pati na din 75 packs ng hybrid seeds para sa kabuuang 115 ektaryang taniman ng mga barangay na mapapamahaginan.

Ayon kay City Administrator Vladimir Mata na tumatayo ring officer-in-charge ng Agriculture Office sa siyudad, ang mga pinamahagi ay sa ilalim naman ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) program na naglalayong tulungan ang mga magsasakang maging globally competitive, mapaangat ang kanilang produksyon at higit sa lahat ay upang matiyak na mapunan ang hapag-kainan o food security.

Samantala, sa isinagawang Laging Handa Network BriefIng, ipinahayag ni Mayor Sofronio Ona Cuenca ng Calaca, Batangas ang mga iba't ibang tulong ng gobyerno sa agrikultura at industrial modernization.

Ayon kay Mayor Cuenca, ang kanilang mga upland barangays ay may matatabang lupa kaya’t nagkaroon ng proyektong  ‘isang produktong agrikultura, isang barangay’.

Ani Cuenca, tinuturuan nila at binibigyan ng kaukulang pagsasanay at ‘technical know-how” maging ng  mga makinarya upang dumami   ang kanilang produksiyon at tumataas ang kanilang kita. (JCR/AMB/RPM/PIA Pangasinan)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments