Tagalog News: Micro-enterprises sa Northern Kabuntalan nakatanggap ng tulong mula sa MSSD-BARMM

LUNGSOD NG COTABATO, Oktubre 9 (PIA) – Nasa 47 may-ari ng maliliit na negosyo sa Northern Kabuntalan sa Maguindanao ang nakatanggap kamakailan ng tig P15,000 pinansyal na tulong mula sa Ministry of Social Services and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MSSD-BARMM).

Ang pamamahagi ng nasabing tulong ay isinagawa kamakailan sa ginanap na paglulunsad ng MSSD-BARMM ng programang Sustainable Livelihood Program (SLP) Seed Capital Fund for Microenterprises. Ang mga benepisyaryo ay yaong lubos na naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Ang capital fund ay gagamitin upang mapaunlad ang kanilang negosyo.

Sinabi ni MSSD-BARMM Minister Atty. Raisa Jajurie na ang hakbang na ito ay tugon ng pamahalaan upang palakasin ang kapasidad at kakayanan na maglunsad, gumawa, at mag-undertake ng isang proyekto. Dagdag pa niya, mahigpit na imomonitor ang mga benepisyaryo upang masiguro na magagamit nang maayos ang pera.

Ang SLP ay isa sa mga national funded social protection program na ipinatutupad ng MSSD sa BARMM. Ito ay naglalayong mapabuti ang socio economic at well-being ng mga mahihirap at marginalized na sektor ng komunidad.

Ngayong taon, target ng MSSD-BARMM na makapagbigay ng P15,000 halaga sa 7,557 benepisyaryo sa buong rehiyon. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).

 

 

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments