Tagalog News: Dinagat Islands, inilunsad ang 'tour operation, management contest’

LUNGSOD NG SURIGAO, Surigao del Norte, Oktubre 9 (PIA) -- “Biyahe sa Dinagat Islands, Biyahe sa Kalikasang Buhay” – ito ang tagline ng probinsiya ng Dinagat Islands kung saan matatagpuan ang mala-paraisong mga lugar na sagana sa likas na yaman.

Kaya naman, sa pagdiriwang ng 14th Charter Day ng probinsiya, inilunsad ang natatanging ‘Tour Operation and Management Contest’ na sinalihan ng mga Sangguniang Kabataan (SK) leader.

“Ito ang kauna-unahang kumpetisyon ng pagsasagawa ng tour packages. Kapag alam nating tingnan na tayo ay iisa sa kalikasan, gagawain natin ang lahat para maprotektahan at mai-preserve ito lalung-lalo na ang turismo,” sabi ni regional director Mary Jean Camarin ng Department of Tourism (DOT) - Caraga.

Layunin ng kumpetisyon na isulong ang konsepto ng ‘conservation’ bilang brand ng turismo sa dinagat islands.

Sumali rin ang lahat ng mga alkalde ng iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan sa isinagawang pagpupulong at napag-usapan nila ang mga pangunahing batayan at aspeto ng ‘ecotourism’ na makatutulong anya sa pagkakaroon ng mas higit na pang-unawa sa direksiyong tatahakin ng probinsiya sa pagpapalago ng turismo.

Nasungkit ng team Cagdianao ang first place bilang Best in Itinerary and Package Development at Best in Tour Package Implementation. Second place winner naman ang team Loreto bilang Best in Tour Package Promotions and Marketing. Third placer ang team Tubajon at fourth place winner ang Dinagat.

“Ngayon, dito mismo sa alam nating paraiso ng Dinagat Islands, bigyang-buhay natin ang ecosysytem. Community conservation tourism! Itong klase ng turismo ay hindi lamang pagkakaroon ng tour guides na magdadala sa atin sa magagandang lugar sa isla kundi may kaalaman at kasanayan din sa pagtuturo sa mga turista sa kahalagahan ng pangangalaga ng kalikasan. Learning while exploring, understanding the nature while swimming and island hopping,” sabi ni Dinagat Islands Gov. Arlene "Kaka" Bag-ao.

Sumali rin ang mga SK leader sa skills development workshop gaya ng tour packaging, tourism management, tour guiding, at marami pang iba.

“Hinda lamang tayo matatapos sa pagti-training ng mga SK. Gusto natin makitang accredited tour guide sila,” ani Camarin. (VLG/PIA-Surigao del Norte)

 

 

 

 

 

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments